CLLEX PHASE I MALAPIT NANG MATAPOS; KUMPLETONG KONEKSYON NG TARLAC AT CABANATUAN TARGET SA HULYO 2025
Patuloy ang konstruksyon ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) Phase I, ayon sa pahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan inaasahang matatapos at magagamit na ang buong ruta mula SCTEX sa Tarlac City hanggang Maharlika Highway sa Cabanatuan City, Nueva Ecija sa July 2025.
Ang proyekto ay bahagi ng Luzon Spine Expressway Network at programa ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Build Better More at Bagong Pilipinas na layuning paigtingin ang konektibidad at pag-unlad sa labas ng Metro Manila.
Ang CLLEX, na sinimulan pa noong Mayo 2016 at nagkakahalaga ng 18php bilyon, ay naharap sa halos dalawang taong pagkaantala dahil sa pandemya at mga isyu sa road right-of-way.
Sa kabila nito, 98% nang tapos ang 10.30-kilometrong Cabanatuan Section o Contract Package 4, na inaasahang magpapababa ng biyahe mula Tarlac hanggang Cabanatuan mula 70 minuto patungong 20 minuto para sa mahigit 11,200 motorista kada araw.
Ang Contract Package 5 o Zaragoza Interchange, ay nasa 73.46% na ang progreso at inaasahang matatapos sa ikatlong quarter ng 2025.
Napondohan ito nang buo ng pamahalaan habang ang natitirang bahagi ng CLLEX ay suportado ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng Official Development Assistance.
Noong April 2024, ibinahagi ni Hermogenes Ebdane ng Regional Development Council na nalutas na ang mga isyu sa right-of-way matapos alisin ng mga landowner ang mga itinayong harang. Dahil dito, muling bumilis ang konstruksyon sa ilalim ng pamumuno ng DPWH Unified Project Management Office-Roads Management Cluster I.
Inaasahang magbibigay ang CLLEX ng ligtas, mabilis, at maayos na ruta sa buong Region III, magpapaluwag sa trapiko, at mag-uugnay sa mga urban at agricultural zones sa Gitnang Luzon.
#balitangunangsigaw
#tv48station
#nuevaecija
#news