MENU

Fun & Interesting

Pagkamulat

Diocese of Kalookan 5,462 1 month ago
Video Not Working? Fix It Now

PAGKAMULAT Homiliya para sa Kapistahan ng Pagkakabinyag ng Panginoon, 12 Enero 2025, Lk. 3:15-16,21-22 Hindi si Juan Bautista ang nagbinyag kay Hesus kundi ang Espiritu Santo. Naging okasyon lang ang paglulublob na ginawa ni Juan sa kanya para sa pagbaba ng Espiritu Santo. Ang Espiritu ang pumukaw sa kalooban niya at nagbigay sa kanya ng ganap na pagkamulat kung sino ba siya talaga: hindi lang siya anak nina Jose at Maria, kundi ANAK NG DIYOS! Iyon ang mensaheng ipinamulat sa kanya ng karanasang niyang iyon sa Jordan matapos na babaan siya ng Espiritu: “Ikaw ang ANAK KONG PINAKAMAMAHAL na lubos kong kinagigiliwan.” Kaya pala kahit nasa apat na ebanghelyo ang kuwentong ito ng pagbibinyag ni Juan kay Hesus sa Jordan, kakaiba ang pagkakakuwento ni San Lukas. Kay San Markos, pagkalublob niya, noon mismong paglabas niya sa tubig, noon bumaba ang Espiritu. Kay San Lukas, hindi kaagad. Tapos na ang ritwal ng paglulublob. Wala na siya sa tubig; nasa isang lugar na siya kasama ang iba pang mga inilublob din ni Juan. Habang nananalangin siya, noon siya binabaan ng Espiritu Santo. Iyon ang naging sandali ng pagkamulat. (Huwag nating kalimutan: kahit Diyos siyang totoo, tao din siyang totoo. Kinailangan din niyang mag-aral, para matuto at unti-unting mamulat. At iyon ang naging papel ni Juan Bautista sa buhay niya. Inihanda siya para sa ganap na pagkamulat sa kung sino talaga siya at kung ano ang misyon niya.) Ang pagkamulat na ito ang naging batayan ng naging pangunahing mensahe at mabuting balitang hatid niya: ang AMA NAMIN. Hindi lang pala ito panalangin kundi ang pinaka-ubod ng katuruan ni Hesus. Ang AMA NAMIN ay ang turo ni Hesus na dapat isagot ng TAO sa Diyos na kumikilala sa atin bilang kanyang ANAK, sa pamamagitan ng Espiritung gumigising sa ating kalooban kung sino tayo sa mata ng Diyos. May isang kuwento tungkol sa isang batang kinidnap ng isang babaeng may diprensya sa pag-iisip. Matagal daw siyang pinaghahanap ng tunay na magulang. Lumipas ang panahon, namatay ang babaeng kumidnap sa kanya, at nauwi siya sa bahay-ampunan. Pilit nagpapakabait para ampunin siya. Pero hindi niya alam, umusad ang imbestigasyon at natunton ng pulis ng pulis ang bahay ng kumidnap sa kanya. Napag-alaman na patay na pala ito at ang bata ay dinala ng social welfare sa bahay ampunan. Sa wakas, natunton ng ama ang batang matagal nang nawawala. Nang magtagpo sila, hindi niya sila kilala. Nilapitan siya at tinawag, “Anak!” At nang sandaling iyon, nagising ang loob niya. Niyakap ang lalaking tumawag sa kanya at sinabi niya, “Papa!” Tama si Juan sa kanyang sinabi—“Hindi ako kundi siya ang magpaparanas sa inyo ng tunay na binyag, ang binyag sa Espiritu Santo. Nilulublob ko kayo sa tubig. Pero ibibigay niya sa inyo ang Espiritu Santo na gigising sa mga puso ninyo kung sino kayo.” Ang binyag ni Juan ay parang paghuhugas ng kaluluwa. Nilulublob sa tubig ang lumalapit sa kanya para malinis sila sa dungis ng kasalanan. May kundisyon. Parang sinasabing: kung ibig mong kilalanin ka ng Diyos, magpakabait ka muna at magpakabanal. Hindi ganyang ang binyag ng Espiritu. Sabi nga ni San Pablo sa second reading, “Sumaatin ang kagandahng-loob ng Diyos hindi dahil sa ating mabuting gawa kundi dahil sa kanyang awa. Iniligtas tayo sa binyag ng muling pagsilang at pagpapanibagong dulot ng Espiritu Santo na ibinuhos niya nang lubos sa atin sa pamamagitan ni Hesukristong ating manunubos, upang sa biyaya niya, tayo ay maitawid at gawing tagapagmana ng biyaya ng walang-hanggang buhay. Huwag nating ibaligtad. Mahal tayo ng Diyos, hindi dahil mabait tayo. Bumabait tayo kapag namumulat tayo kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Noon lang lumalabas ang lahat ng maganda, mabuti at totoo sa ating pagkatao. Hindi pa tapos. Ang pagkamulat kung sino tayo sa mata ng Diyos ay may kasabay na pagkamulat kung sino rin tayo sa isa’t isa, sa bawat kapwa tao: MAGKAKAPATID. Masaklap ang mga balita tungkol sa mga sunog sa Los Angeles. Sa atin dito sa Caloocan, Malabon, Navotas, kapag nasusunugan tayo—na napakadalas mangyari—hindi lang tayo lumilikas o nagbabakwit. Lumalaban tayo. Apoy ang kalaban. Lumulundag ang apoy kahit malayo pa iyan, lalo na kapag mahangin. Lumilipad ang mga baga, parikpik o tilamsik, ang tinatawag naming alipatu sa Kapampangan. Ito ang nagpapakalat sa sunog at pwedeng maging simula ng mga bagong sunog kahit malayo. Sino ang papatay sa mga bagang tumitilamsik at ipinapahid ng hangin kung lumikas na lahat ng tao? Hindi ang mga bumbero dahil busy sila sa malaking sunog. Kailangan nila ng back-up. Kailangan ng bayanihan. Oo, ilikas ang matatanda at bata, ang mga malalakas ay magbayanihan, lumaban, huwag magpanic, huwag magkanya-kanya. Magkakapatid tayo. Lakasan ang loob, huwag kumilos na nag-iisa. Tulad ng sa traslacion, sama-sama, magtulungan, magbayanihan. .........

Comment