GULONG NG PALAD
16 Pebrero 2025, Pang-anim na Linggo ng Karaniwang Panahon,
ucas 6:17, 20-26
Isa sa mga naunang telenobela series na ipinalabas sa telebisyon sa Pilipinas ay pinamagatang “Gulong ng Palad,” na sa Ingles ay “Wheel of Fortune.” Noong panahong iyon, mga bata pa lang sina Janice de Belen at Romnick Sarmenta. Sumikat ang palabas na iyon sa telebisyon dahil puno ng mga eksenang malakas ang dating sa ating mga Pilipino: mga eksena tungkol sa pagbabaligtad ng sitwasyon ng mga dating inaapi na aangat ang kabuhayan at mga dating mayayaman na babagsak at gagapang sa hirap. Binibitin ang manonood sa dulo ng bawat episode; kung kailan matindi na ang drama saka sinasara para aabangan ang susunod na kabanata. Araw-araw noon naririnig namin ang theme song na ganito ang sinasabi:
“Kung minsan ang takbo ng buhay mo
Pagdurusa nito’y walang hanggan
Huwag kang manimdim
Ang buhay ay gulong ng palad
Ang kandungan, ang kapalaran
Kung minsan ay nasa ilalim,
Minsan ay nasa ibabaw…”
Sa isang parish recollection, tinanong ko ang mga tao kung naniniwala ba sila sa sinasabi ng kanta na gulong daw ng palad, ang buhay ay gulong ng palad. Paikot-ikot lang: minsan nasa itaas, minsan nasa ibaba. Nagulat ako nang halos sabay-sabay silang sumagot ng oo. At parang sila naman ang nagulat nang tanungin ako ng isa sa kanila: “E kayo, Bishop?” at ang sagot ko ay, “Syempre, hindi. Hindi naman naaayon iyan sa pananampalatayang Kristiyano. Masyadong fatalistic ang dating. Kung sa kapalaran lang nakasalalay ang lahat, para namang walang Diyos. Parang automatic na lang lahat: paikot-ikot lang ang gulong, minsan nasa taas, minsan nasa ibaba. Magtiis ka lang at maghintay pag nasa ibaba ka. Iikot din ang gulong.”
Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating intindihing mabuti ang gustong sabihin ng Panginoon sa narinig natin na kakaibang version ni San Lukas ng Beatitudes (o Mapapalad). Nakay San Mateo din ito sa Mt 5, at doon mayroong eight beatitudes, walong pangungusap tungkol sa mapapalad: lahat positibo ang pagkakasaad. Kay San Lucas, nahahati ito sa dalawang grupo ng apat na pahayag. Sa isang banda, may apat na pagpapala o beatitudes na positibo ang pagkakasaad, at sa kabilang banda, may apat na sumpa o babala, lahat negatibo ang pagkakasabi. Bawat linya sa pangalawang set ay kabaligtaran ng pahayag sa unang set mula sa pagpapala patungo sa sumpa.
Halimbawa: “Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay bubusugin. Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, kayo ay aaliwin.” Pero sa second part babaligtarin naman ang lahat ng sinabi sa first part: “Sawimpalad kayong mga busog ngayon, kayo ay magugutom. Sawimpalad kayong mga inaaliw ngayon, kayo naman ang tatangis.”
Kung gusto nating mas lubos na maintindihan ang kakaibang presentation ni San Lukas sa mga Beatitudes bilang mga pagpapala sa isang banda at mga sumpa sa kabilang banda, magandang balikan ang Magnificat o Awit ni Mama Mary sa kuwento ng Visitation. Doon parang propeta ang dating ni Maria; parang bumibigkas siya ng isang orakulo ng pag-asa o kaligtasan tungkol sa mga aral ng nakaraan batay sa kasaysayan, mga sandali kung kailan ipinadama ng Diyos ang kanyang kakapangyarihan at katarungan sa mga hindi inaasahang pangyayari sa lipunan. Mga sandali na “ibinagsak niya ang mga makapangyarihan mula sa kanilang trono” at “itaas ang maliliit mula sa mababang kalagayan,” mga sandaling “Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at hinayaang maghikahos ang mga dating busog.”
Ewan kung matatandaan ninyo na minsan, may naibahagi na ako sa inyo tungkol sa sinabi ng ating mismong bayaning si Jose Rizal tungkol sa mentalidad tungkol sa buhay na parang gulong lang ng palad na umiikot. Sa isang eksena sa kanyang nobelang “El Filibusterismo” na karugtong ng kanyang “Noli me Tangere”, ito ang linyang inilagay niya sa bibig ng isang karakter sa nobela: “Para saan ang kalayaan, kung ang mga inaapi ngayon ay sila naman ang mang-aapi bukas?” Ibig sabihin, para sa kanya, hangga’t paghihiganti ang hangad ng tao, hangga’t walang hinahangad ang mga inaapi kundi ang maibaligtad ang gulong ng palad,wala pang tunay na kalayaan. Ibig sabihin ginagaya lamang ng mga inaapi ang kamalayan ng mga nang-aapi sa kanila.” Walang lipunan na uunlad sa ganyan, para sa kanya. Ang pagbabaligtad lang ng mga sitwasyon ay hindi magbubunga ng makatarungang lipunan; hindi mo raw pwedeng tawaging isang tunay na rebolusyon ang ganyan.
Hangga’t ang nangingibabaw sa taong dating inaabuso ay isang uri ng “persecution complex” na walang ibang nais kundi pagbigyan ang udok na makabawi, wala pang tunay na pagbabago. Mananagumpay lang daw ang dating biktima kung ang hahangarin niya ay ang isang klase ng lipunan na wala nang mang-aabuso at wala nang biktima. Sa totoo lang, parang hiniram din ni San Lucas ang mga salitang inilagay niya sa bibig ni Maria sa binigkas nitong Magnificat. Marami sa mga linya ay hiram mula sa awit ni Hannah, ang ina ni propeta Samuel,.....